Patawarin mo sana ako kung ako ay nainip

nagmahal ako ng iba, pag-ibig ay aking pinilit.

Nahanap ko ang pansamantalang saya,

na noon akala ko ay pang-wagas na.

 

Pasensya ka na kung hindi ikaw ang una kong halik.

Dampi ng labi ng iba ang sakin ay unang nagpasabik

mga yapos na inakala ko ay yapos ng pagamahal,

mga haplos na unti-unting nakakasakal.

 

Ipagpatawad mo kung hindi ikaw ang unang kamay na aking hinawakan

Kumapit ako ng mahigpit sa bisig ng inakala ko’y iyo.

Hindi ako bumibitaw dahil winari ko na palad iyon ng mahal din ako.

Pero hindi pala totoo.

 

Ipagpatawad mo ang aking pagkabagot

Inaamin ko na ako ay nagmadali, kaya nakilala mo akong pagod.

Naging mahina ang puso ko sa mga mapanlinlang na pagmamahal.

Nauto sa pag-ibig na inakala ko ay IKAW.

 

Humihingi ako ng despensa kung naghintay ka

Habang ako ay nasa piling ng iba, sa maling ikaw.

Sana’y hintayin mo ang    sugat ng nakaraan ay gumaling,

Mga sugat na ako ang dapat sisihin.

 

Patawarin mo sana ako kung ngayon lang ako dumating.

Pagtanggap mo ang nagi-isa kong hiling.

Ako ay handa nang sumama sa’yo, saan man tayo makarating

Kahit saan mo ako dalhin.

Kahit saan tayo ipapasyal ng liwanag at dilim.

Advertisements