Itingkayad mo ang iyong mga paa;

unti-unti mong iangat ang iyong katawan.

Dahan-dahan, palayain mo ang bigat—

mga luha at lungkot,

maging ang galit at poot.

Ipikit mo ang iyong mata,

mga luha mo’y patuluin na.

Sapagkat wala ka nang dadalhing iba,

pati ang alaala ninyong dalawa.

Tanging ikaw lang,

at puso mong naging kulungan

ng inakala mong tunay na pag-ibig,

at mga pangakong iyong pinaniwalaan.

Hayaan mo ang hangin na dalhin ka pataas.

Mararamdaman mo,

na ang iyong mga pakpak ay kusang lalabas.

Ililipad ka nito at ilalayo sa lahat.

Hindi ka nito hahayaang muli pang bumagsak,

at masaktan;

Hindi ka nito hahayaan na muli pang tumapak,

sa lupa na parte ng inyong nakaraan.

At sa iyong paglayo,

tingnan mo siya sa huling pagkakataon.

Pagmasdan mo ang kanyang mata

habang binibatawan ang mga kamay niya.

Panahon na sa paglipad nang mag-isa,

panahon na para iwanan ang isang mundong binuo

ng nagsusumigaw niyong pagmamahalan,

pero ngayon ay napaos na.

At sa iyong paglalakbay,

Tanging ikaw lang,

at puso mong naging kulungan,

ng inakala mong tunay na pag-ibig,

at mga pangakong iyong pinaniwalaan.

Kaya naman lumipad ka ng mataas,

dahil malaya na, sa wakas!

At ito ang tamang oras para magpalaya,

hindi mo na kailangan pang magtago o magtira

sa puso mong naging kulungan,

ng inakala mong tunay na pag-ibig,

at mga pangakong iyong pinaniwalaan.

Advertisements