Meron akong sasabihin, pero hindi kita bibiglain.

Aking dadahan-dahanin upang madaling intindihin.

Buksan mo sana ang iyong isipan; puso mo’y huwag mong pangunahan,

Pakinggan mo sana ‘to, please? Ako muna ay iyong hayaan

Para sa iyo itong aking sinusulat: Mahalaga ka-

hindi ko nga lang alam kung paano ko ipapahayag.

 

Para ‘to sa’yo

Sayo na dati ay walang ginawa kundi ang asarin ako,

Ikaw na saksakan ng pagiging pilosopo

At halos punain mo ang buong pagkatao ko

 

Para ito sa’yo,

Sa iyo na sa tuwing ako’y iyong pinapasaringan,

Unti-unti ka nang nahuhulog sa bangin ng pagibig.

“Pag-ibig” kung ito’y iyong tawagin, pero para sa akin ay mahirap paniwalaan.

Ikaw na may lumalalim na pagtingin sa akin, nang hindi mo namamalayan.

 

Habang ako, ay padausdos na:

 

Pababa.

 

Para ito sa iyo

Sa’yo na piniling harapin ang bagsik na epekto ng pagibig

Sa’yo na binalewala ang sarili para maipadama ang pagibig

Isa kang maangas na sundalo na sumabak sa gyera ng pagibig

Ikaw na kinaya ang mga salitang binato ng iba para sa tinatawag na pagibig…

 

Para sa pag-ibig mo… Para sa akin

Pag-ibig na nagmula sa’yo.

 

OO.

 

Napabilib mo ako!

 

Ngunit ang lahat ay hindi ko pinahalagahan

Ang seryoso mong nararamdaman na para sa akin ay isang malaking kahibangan.

Ang lahat na sa tingin ko ay isang malaking palabas

At ako’y naniniwalang masyado akong mataas

Para mahulog ka sakin.

Napaniwala ko ang sarili ko na hindi ka dapat mahalin

Ang muntik kong pagkahulog sa isang hukay, pinilit kong sagipin.

 

Ayaw ko sa pagibig

Hindi ako magmamahal ng katulad mo,

Ayokong matuluyang mahulog,

Ayokong magmahal.

Dahil ang pagibig para sakin ay hindi na nakakatuwa

Para sa akin ito ay malupit, at hindi na ako uulit pa.

Magiiwan lang kasi ito ng marka,

Masasaktan lang ako, tayo,kapag pinatagal pa.

 

Inayawan ko ang pagibig mo,

Pag-ibig na nagmula sa iyo,

Pagibig na inakala kong biro.

 

Para ito sa iyo,

Isa itong rebelasyon na hindi lang ikaw ang nagmahal dito,

Sadyang ginawa ko lang ang lahat para pigilan ang isang walang kasiguraduhan,

Isang pag-ibig na aking sinayang, patawarin mo sana ako.

 

 

 

Advertisements