Ang panyo ay isang parisukat na tela, madalas tinatago sa bulsa

Dudukutin pag kailangan, idadampi sa katawang pawisan,

ipampupunas sa luhang dala ng kasawian

 

Maswerte pa ang inyong panyo

Nahihimas niya ang iyong mga pisngi

Dala-dala mo kahit saan ka magtungo.

Napaisip tuloy ako. Parang gusto kong magbago,

Gusto kong magpalit ng anyo at maging bahagi ng kolesyon mong panyo.

 

Paano ba naman kasi, mukhang mas may halaga pa ito

kahit anong pagpapapansin ko, na halos mukha nakong sintu-sinto

Ay hindi mo magawang tingnan ang mga mata ko.

Na sa simula palang ay tinuring kang bituin

sa aking langit tuwing sasapit ang dilim;

isang makinang na ilaw, kung saan ang atensyon ko’y napukaw

Ay wala ka balak titigan, o sulyapan manlang

 

Panyo.

Gusto kong maging panyo.

 

Papayag akong maging taga-salo ng pawis mo

Kung kapalit nito ay iyong ginhawa, sa init na dala ng klima.

Papayag akong maging taga-punas ng iyong mga luha,

Kung kapalit nito ay ang paggaan sa iyong bitbit at pasan-pasan.

Papayag ako na maging singahan; taga- alis ng bara,

Kung kapalit nito ay ang maluwang mong paghinga-malayang makakaamoy

at upang maging komportable ka.

 

Handa akong maging takip ng iyong bibig, sa tuwing ikaw ay tatawa,

hahalakhak, didighay, babahing at kahit ano pa.

Kung ito lang ang paraan para panandalian kong madampian

ang mga labi mong aking kahinaan lalo na sa tuwing ako’y iyong nginingitian-minsan.

 

At sa tuwing akoy di mo kinakailangan

Sang-ayon parin akong itago mo sa iyong bulsa,

Itatabi kapag madumi, o iwawala kapag ang atensyon mo ay nakabaling sa iba.

 

Gaya ng panyong nadudumihan, kumukupas

Handa din akong masaktan, ‘pagkat alam kong itong sakit ay lilipas.

 

Pero hindi gaya ng panyo na lalabhan para ang mantsa ay maalis,

at muling maging malinis;

Ibibilad sa araw upang matuyo at maaari na ulit magamit…

Mukhang matagal bago maalis sakin ang sakit,

Mga mantsa ng pagdugo ay mukhang matatagalan bago ulit pumuti,

hindi kaya ng araw ang pagtuyo sa mga sugat, pagkat tuwing gabi itoy bumubukhang muli.

 

Panyo.

Pangarap kong maging panyo,

Advertisements